By: Andrew Guariña | Published: August 1, 2025 10:00 AM PHT

Isinagawa noong July 30, 2025 ang Workshop on the Analysis of Local Governance Summary and Executive Briefing for the Newly-Elected Officials para sa termino ng 2025–2028. Idinaos ito sa Jinjer Resort, Cavinti, Laguna at dinaluhan ng mga pinuno ng bawat departamento ng Pamahalaang Bayan, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, at ni Punongbayan Ronald B. Cosico.

Sa pagbubukas ng bagong termino, muling pinagtibay ni Mayor Cosico ang kanyang layunin na ipagpatuloy ang Executive-Legislative Agenda (ELA) na inilunsad noong 2022 na kilala sa pangalang KALESA—isang programang nakatuon sa Kalusugan, Kapaligiran, at Kaayusan; Agrikultura; Livelihood; Edukasyon; Sining, Kultura, at Turismo; at Ayuda. Para sa susunod na tatlong taon ng kanyang administrasyon, binigyang-diin niya ang pangangailangan ng mas pinatibay na kolaborasyon ng ehekutibo at lehislatibo upang maisakatuparan ang mga adhikain ng programa.

Kabilang sa mga pangunahing layunin na nais bigyang-pansin ng kasalukuyang administrasyon ay ang pagsasaayos ng samahan ng mga benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD; ang pagbabalangkas ng Comprehensive Tourism Plan; at ang pagsasaayos ng mga isyu sa public lands upang ito’y maipangalan sa pamahalaang bayan. Isinusulong din ni Mayor Cosico ang ordinansa para sa pagsasaayos ng padaluyang tubig sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP), pati na rin ang suliranin sa lumulubhang kakulangan ng espasyo sa Pambayang Libingan. Kabilang din sa mga layunin ng pamahalaan ang matagal nang nakabinbing housing project para sa mga informal settlers sa National Highway at mga nasa paanan ng bundok. Inimumungkahi niya rin ang SSS coverage para sa mga Job Order employees, at ang malawakang PhilHealth enrollment para sa lahat ng Paeteño, lalo’t higit sa mga indigent families.

Sa parehong layunin ng pagpapabuti ng serbisyo publiko, binuksan muli ni Mayor Cosico ang usapin ukol sa security of tenure ng 41 casual employees. Isinusulong rin niya ang pagtatayo ng Super Health Center na makatutugon sa pangangailangang medikal ng bayan. Bahagi rin ng kanyang adbokasiya ang pagkakaroon ng 24 Hours na One-Stop Shop sa ilalim ng isang Executive Order, na magbibigay ng tuluy-tuloy na serbisyo sa publiko mula sa MSWD, RHU, DRMMO, BFP, at iba pa. Isinulong rin niya ang procurement ng anti-rabies vaccines bilang bahagi ng proyektong pangkalusugan.

Pinangunahan nina DILG MLGOO Fe Monalie Abarca at MPDC Engr. Jheriel Baldemor ang workshop na nagtampok ng pagsusuri sa mga gaps batay sa SGLG assessments ng mga nagdaang taon. Layunin ng workshop na linangin ang tamang direksyon ng mga patakaran, programa, at serbisyo ng lokal na pamahalaan upang maging mas epektibo, mas sistematiko, at mas nakatuon sa tunay na pangangailangan ng mga mamamayan.

Ang mga kalahok ay nahati ayon sa limang pangunahing sektor ng pamahalaan—social, economic, environmental, peace and order, at financial governance—na siyang nagsilbing batayan sa pagtukoy ng mga isyu, paglalatag ng solusyon, at pagbabalangkas ng mga prayoridad para sa susunod na tatlong taon. Sa kabila ng iba’t ibang pananaw, ipinamalas sa workshop ang pagkakaisa at kolektibong layunin ng mga lider ng bayan.

Sa pagtatapos ng aktibidad, tiniyak ng pamunuan ng bayan na ang mga nailatag na plano at mungkahi ay magkakaroon ng konkretong direksyon tungo sa mas inklusibo, mas episyente, at mas makataong pamamahala. Sa pamamagitan ng matibay na pagtutulungan ng ehekutibo at lehislatibo, patuloy na magsusulong ang Pamahalaang Bayan ng Paete ng mga reporma at inobasyon para sa mas progresibong tatlong taon ng paglilingkod sa bayan.