By: Andrew Guariña | Published: July 4, 2025 10:34 AM PHT

Pormal na isinagawa ang Inaugural Session para sa bagong termino ng mga halal na opisyal ng Bayan ng Paete (2025–2028) noong Hulyo 1, 2025, sa Sangguniang Bayan Session Hall, Barangay Ibaba del Sur, Paete, Laguna.

Muling inilahad ni Mayor Ronald “Bokwet” Cosico ang mga pangunahing adyenda ng kanyang ikalawang termino. Binigyang-diin niya ang pagpapatuloy ng Executive-Legislative Agenda (ELA) na inilunsad noong 2022, na tinaguriang KALESA, isang programang nakatuon sa: Kalusugan, Kapaligiran, at Kaayusan; Agrikultura; Livelihood; Edukasyon; Sining, Kultura, at Turismo; at Ayuda.

Kalusugan: Super Health Center

Sa sektor ng kalusugan, inilahad ni Mayor Cosico na ang Rural Health Unit (RHU) ng Paete ay kasalukuyang tumatanggap ng ₱600,000.00 pondo kada quarter. Gayunpaman, muling ihahain sa Sangguniang Bayan ang panukala para sa pagpapatayo ng Super Health Center, na pansamantalang naantala. Ayon sa kanya, ito ay na-assess na ng Department of Health (DOH) at Department of Public Works and Highways (DPWH), at isasagawa sa tatlong yugto kung saan ang Phase 1 ay tinatayang nagkakahalaga ng ₱ 10,000,000.00.

Kapaligiran: Tulong ng MENRO

Sa larangan ng kapaligiran, binigyang-pugay ni Mayor Cosico ang mga inisyatiba ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) sa ilalim ng pamumuno ni Gng. Maria Nancy Cagayan, na siyang nanguna sa maraming matagumpay na programa para sa kalikasan at waste management sa mga nagdaang taon.

Kaayusan: Patuloy ang Disiplina

Sa usapin ng kaayusan, ipinagmalaki ng punong-bayan na ang Paete ay nananatiling isa sa mga bayan na may pinakamababang kaso ng ilegal na droga at sugal sa CALABARZON. Nalagdaan na rin ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa “perpetual use” ng gusali ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Barangay Bagumbayan. Layunin naman ngayong termino ang paglagda ng MOA para sa ginagamit na gusali ng Paete Municipal Police Station na nasa Barangay Bagumbayan din.

Agrikultura: Suporta mula sa Pambansang Pamahalaan

Ayon sa tala ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), may humigit-kumulang 200 rehistradong magsasaka sa Paete na tumatanggap ng ₱ 5,000 kada taon mula sa Department of Agriculture (DA). Bukod pa rito, ang Paete-Sagip-Sigla Palay Farmers Association, Inc. ay nakatakdang tumanggap ng isang rice mill. Napili rin ang Paete bilang benepisyaryo ng isang solar-powered irrigation system na nagkakahalaga ng ₱ 15,000,000.00, na itatayo sa Sitio Papatahan.

Kabuhayan: Palakasin ang Kooperatiba at SLP

Maraming programa mula sa DSWD, DOLE, at iba pang ahensya ng pamahalaan ang patuloy na ipinatutupad. Gayunpaman, binigyang-diin ng punong-bayan ang pangangailangang tutukan ang “Sustainable Livelihood Program (SLP)”. Nanawagan siya sa SLP Coordinator ng Paete na mas pagtuunan ito ng pansin dahil kakaunti lamang ang matagumpay na benepisyaryo ng programa.

Dagdag pa rito, binigyang halaga rin ni Mayor Cosico ang pagpapalakas ng mga kooperatiba. Sa kasalukuyan, dalawa ang accredited ng Cooperative Development Authority (CDA) sa bayan: ang Paete-Sagip-Sigla Palay Farmers Association, Inc. at ang Federation of Paete Tricycle Operators and Drivers Association (FP-TODA).

Edukasyon: Panawagan para sa Mas Malawak na Suporta

Sa sektor ng edukasyon, nais ni Mayor Cosico na higit pang mapalalim ang ugnayan ng lokal na pamahalaan sa mga paaralan upang mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa Paete. Ikinadismaya niya na hindi napabilang ang Paete sa mga nakatanggap ng proyekto sa pagpapatayo ng school buildings mula sa Department of Education noong mga nakaraang taon.

Ipinaliwanag ni Punong Bayan Cosico na ang ₱30,000,000.00 pondo ng Provincial Development Council (PDC) ng Laguna ay hindi sapat upang paghatian ng 24 na bayan at 6 na lungsod, kaya’t hindi rin ito kayang tugunan ng pondo ng LGU para makapagpatayo ng sapat na classrooms. Aniya, dapat pagtuunan ng pansin ng PDC hindi lamang ang edukasyon kundi pati na rin ang environmental protection.

Sining, Kultura at Turismo: Target na World Record sa Sabayang Pag-uukit

Bilang pagkilala sa natatanging husay ng mga Paeteño sa larangan ng sining, plano ng punong bayan na ilahok ang Paete sa Guinness Book of World Records para sa pinakamaraming kalahok sa sabayang pag-uukit gamit ang iba’t ibang msteryales tulad ng kahoy, yelo, gulay at prutas, tsokolate, Styrofoam, at iba pa. Layunin ng proyektong ito na ipagdiwang ang mayamang kultura at malikhaing tradisyon ng Paete, habang pinalalakas din ang turismo at pagkakakilanlan ng bayan sa pandaigdigang entablado.

Ayuda: Tungo sa Pangmatagalang Solusyon

Ayon sa punong-bayan, sapat na ang mga natatanggap na ayuda ng mga mamamayan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Sa halip, nais niyang ituon ang pokus sa pagbibigay ng pangmatagalang kabuhayan at trabaho, upang mabigyan ng mas matatag at dignified na kabuhayan ang bawat Paeteño.

Mga Bagong Prayoridad para sa Susunod na Tatlong Taon

Bilang dagdag sa KALESA Agenda, binigyang-diin ni Mayor Ronald Cosico ang  mahahalagang prayoridad na nais niyang tutukan para sa ikalawang termino ng kanyang panunungkulan.

Padaluyang Tubig

Naniniwala ang punong-bayan na may sapat na suplay ng tubig mula sa mga bukal sa Paete, ngunit ang problema ay nasa luma, sira, at baradong mga linya ng tubo. Isa sa mga halimbawa nito ay ang maputik na tubig na lumalabas sa Aseoche Street, na dulot ng kalumaan ng sistema at kakulangan sa modernisasyon ng padaluyan.

Personal na binisita ni Mayor Cosico, kasama si Engr. John Laurence Cadawas, ang mga springbox sa Quesada at Cainto, kung saan natuklasan nilang basag na ang ilang bahagi ng estruktura dulot ng gumuhong mga bato.

Bukod dito, sumulat ang punong bayan sa mga kumpanyang Sta. Clara International Corporation at The Blue Circle Laguna Wind Energy Corp. upang humiling ng pagtutuwid at pagsasaayos ng mga nasirang kalsada at linya ng tubig na naapektuhan ng kanilang kasalukuyang konstruksyon sa bayan.

Kalupaan sa Kabundukan: Pagprotekta sa Public Lands

Nanawagan din si Mayor Cosico sa Sangguniang Bayan ng Paete na bigyan siya ng otoridad sa humigit-kumulang 300 ektaryang public lands na matatagpuan sa kabundukan, upang maiparehistro ito sa pangalan ng Municipality of Paete. Ayon sa kanya, ito ay hakbang upang maprotektahan ang mga pampublikong lupa laban sa mga nagtatangkang ideklarang alienable and disposable ang mga ito para sa pansariling interes.

Binigyang-diin din ng punong bayan na may mga nakakalusot pa ring ahente ng lupa sa sistema ng pag-aari, na nakakakuha ng sertipikasyon gamit ang mga pekeng adjoining owners mula sa ilang opisyal ng barangay. Kaya’t nananawagan siya sa Sangguniang Bayan na lumikha ng ordinansa na may matibay na ngipin upang masupil ang land grabbing at mga kaso ng multiple tax declarations sa iisang lupain.

Pagtuklas sa Caliraya-Lumot Watershed

Ikinagulat at ikinadismaya ng punong-bayan ang natuklasan niyang 517 ektarya ng Caliraya-Lumot Watershed area ay mayroon palang titulo bilang dam property. Aniya, nakapagtataka kung paano ito naipasa at naaprubahan nang walang sapat na validation mula sa mga kinauukulan. Dagdag niya, ang naturang watershed ay dapat pinoprotektahan bilang bahagi ng likas na yaman at hindi basta-bastang napapasakamay ng mga pribadong indibidwal.

Gumihan: Imbestigasyon at Pag-angkin para sa Bayan

Muling hiniling ni Mayor Cosico sa Sangguniang Bayan na bigyan siya ng otoridad upang imbestigahan ang estado ng Gumihan, isang lupain na malapit nang mapaso ang kontrata sa pagitan nito at ng lokal na pamahalaan at Southern Luzon State University.

Ayon sa kanya, ito ay pinondohan ng malaking halaga mula sa kaban ng bayan, kaya’t mahalagang matukoy kung sino ang tunay na nagmamay-ari nito.

Layunin ng punong-bayan na, kung kinakailangan, maisagawa ang expropriation upang tuluyang maiparehistro ito sa ilalim ng pangalan ng Pamahalaang Bayan ng Paete, at magamit ito para sa pangmatagalang proyekto at kapakinabangan ng mamamayan.

Mga Karagdagang Panawagan at Inisyatiba

Pagtataguyod sa Kapakanan ng Kawani

Nanawagan si Mayor Cosico sa Sangguniang Bayan na pahintulutan ang promosyon ng mga casual employees tungo sa pagiging permanenteng mga kawani ng pamahalaan, bilang pagkilala sa kanilang serbisyo at kontribusyon sa bayan.

Ayuda para sa Maliliit na Negosyante

Ipinanawagan din niya ang agarang pamamahagi ng tulong-puhunan para sa mga vendors sa palengke at mga ambulant vendors, na nagkakahalaga ng ₱5,000,000.00 mula sa Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation. Ayon sa kanya, masasayang ang pondong ito kung mananatiling nakatengga.

Transparency: Livestreaming at FOI Ordinance

Pinaalalahanan ng punong-bayan ang Sangguniang Bayan na tapusin na ang resolusyon para sa livestreaming ng kanilang sesyon, gayundin ang pagsasabatas ng Freedom of Information (FOI) Ordinance, bilang bahagi ng isinusulong na bukas at makataong pamamahala.

Renewable Energy Model Municipality

Sa tulong ng BPLO head G. Frank Albert Dela Rosa, ibinalita rin ni Mayor Cosico na napili ang Paete bilang model LGU sa permitting process para sa renewable energy. Ayon sa kanya, humanga ang mga investor sa mahusay at mabilis na sistema ng pagproseso sa bayan, dahilan kung bakit napili ito ng Department of Energy bilang huwarang lokal na pamahalaan.

UP Land Grant at Caliraya-Lumot Refund

Hinikayat din ng punong-bayan ang Sangguniang Bayan na suportahan ang kanyang panawagan para sa UP Land Grant. Aniya, nakabinbin pa rin ang retroactive refund request sa PSALM Corp. kaugnay ng Caliraya-Lumot Watershed, at kinakailangang kumilos ang pamahalaang bayan upang masingil ito at maidagdag sa land area ng Paete. Ayon sa kanya, hindi lamang ang Paete kundi ang buong lalawigan ng Laguna ang makikinabang sa pagkilalang ito.

Sa pagbubukas ng panibagong yugto ng pamumuno sa Bayan ng Paete, muling ipinakita ni Mayor Ronald “Bokwet” Cosico ang kanyang matibay na paninindigan sa isang gobyernong bukas, makatao, at nakasentro sa pangmatagalang solusyon para sa mamamayan. Sa pamamagitan ng pinalawak na KALESA Agenda at mga bagong prayoridad sa lupa, tubig, at transparency, malinaw ang layunin ng kanyang administrasyon—ang pagtahak sa landas ng tunay na pagbabago, na may malasakit sa kapaligiran, sining, kabuhayan, at karaniwang mamamayan.

Sa suporta ng Sangguniang Bayan at pakikiisa ng sambayanan, inaasahang magiging mas matatag at mas makabuluhan ang direksyon ng Paete sa susunod na tatlong taon—isang bayang nagkakaisa, may malinaw na bisyon, at tapat sa paninilbihan.