By: Andrew Guariña | Published: July 1, 2025 11:00 AM PHT

Isinagawa ngayong araw, Hunyo 30, 2025, ang makabuluhang seremonya ng panunumpa sa katungkulan ng mga bagong halal na opisyal ng Bayan ng Paete, Laguna, na sinimulan sa pamamagitan ng isang Banal na Misa sa Parokya ng San Santiago Apostol Roman Catholic Church, sa pangunguna ni Rev. Fr. Michael M. Loza.

Matapos ang Banal na Misa, isinagawa ang opisyal na seremonya ng panunumpa sa pangangasiwa ni Judge John Andrew R. De Guzman, bilang opisyal na tagapangulo ng panunumpa ng mga halal na opisyal para sa termino 2025–2028.

Mga Nanumpa sa Katungkulan:

Bagong Halal na Punong-Bayan:

  • Kgg. Ronald B. Cosico

Bagong Halal na Pangalawang Punong-Bayan:

  • Kgg. Lorena B. Velasco

Mga Bagong Halal na Miyembro ng Sangguniang Bayan:

  1. Kgg. Florence Jude V. Cadawas
  2. Kgg. Anna Patricia A. Adao
  3. Kgg. Joshua Ryan I. Alvarez
  4. Kgg. Mark Anthony B. Bagamano
  5. Kgg. Carmen E. Valdellon
  6. Kgg. Brigido R. Bagayana
  7. Kgg. Roman Pedro M. Baldemor
  8. Kgg. Lourdes Fadul-Sunga

Pagkatapos ng seremonya ng panunumpa, isinagawa ang opisyal na pagtatalaga ng mga tungkulin sa ikatlong palapag ng Pamahalaang Bayan. Pinangunahan ito ni Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO) Fe Monalie O. Abarca, LGOO VI, kasama ang mga pinuno ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang bayan upang ibahagi ang mga mahahalagang tagubilin ukol sa responsableng pagtupad sa tungkulin, gayundin ang mga rekomendasyon para sa pagpapaunlad ng pamahalaang lokal at pagpapatatag ng kalagayang pananalapi ng bayan. Tampok din sa programa ang seremonyal na paggawad ng simbolikong susi ng Pamahalaang Bayan sa bagong halal na Punong-Bayan bilang tanda ng tiwala at pananagutan sa pamumuno.

Ang naturang aktibidad ay simbolo ng panibagong yugto ng pamumuno sa bayan, na naglalayong maghatid ng mas mahusay na serbisyo, pag-unlad, at pagkakaisa para sa mga mamamayan ng Paete.