Jun 18, 2025 11:00 AM PHT
ANDREW GUARIÑA

Opisyal na lumagda ang Pamahalaang Bayan ng Paete sa isang Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang Girl Scouts of the Philippines (GSP) Laguna Council para sa pagsasaayos ng GSP Paete Lodging Facility sa Camp Maria Makiling, Los Baños, Laguna.
Ang nasabing pasilidad ay nagsisilbing tuluyan para sa mga Girl Scouts ng Paete sa tuwing sila ay lumalahok sa mga aktibidad sa kampo. Karaniwan din itong ginagamit bilang rest house o overnight accommodation ng mga bisitang konektado sa mga programa ng lokal na pamahalaan. Layunin ng proyekto ang pagpapabuti ng kondisyon ng pasilidad upang matiyak ang mas ligtas, maayos, at komportableng pananatili para sa mga kabataang Girl Scouts at iba pang gumagamit nito.





Ang kaganapan ay pinarangalan ng pagdalo ni Vice Governor Atty. Karen Agapay, na kasalukuyang Council President ng GSP Laguna, kasama si Ms. Anna Pamela Dela Rosa, District GSP Committee Chairperson, at iba pang mga opisyal at kinatawan mula sa GSP Laguna Council. Nakiisa rin sa seremonya sina Municipal Engineer John Laurence Cadawas, Municipal Administrator Carlos Miguel Cosico, at Mayor Ronald “Bokwet” Cosico, bilang pagpapahayag ng buong suporta ng Pamahalaang Bayan ng Paete sa pagsasakatuparan at pagpapatibay ng naturang proyekto.
Isinagawa ang MOA signing noong Hunyo 16, 2025 sa Chateau D’Yani, Paete, Laguna, sa pagitan ng GSP Laguna Council at Pamahalaang Bayan ng Paete para sa pagsasaayos ng GSP Paete Lodging Facility sa Camp Maria Makiling, Los Baños, Laguna.

Sa pamumuno ni Mayor Cosico, nananatiling bukas at aktibo ang Pamahalaang Bayan ng Paete sa mga programang nakatuon sa kabataan, lalo na sa mga inisyatibong naglalayong paunlarin ang kanilang kakayahan, disiplina, at liderato tungo sa isang mas matatag na kinabukasan.